Sa dakong timog ng bulubunduking Cordillera, matatagpuan ang mga Ifugao– ang lumikha ng kamangha-manghang bai-baitang na palayan na hinahangaan ng buong mundo. Mistulang hagda-hagdang lawa, ang palayan o payo ng mga Ifugao ay itinuturing ng mga dalubhasa na pinakamalawak at pinakamahusay na likha pansaka sa kasaysayan ng tao.
Ipinaliliwanag at ipinakikita sa dokumentaryong ito ang paglikha ng mga Ifugao sa mga palayang ito mula sa masukal at mabatong bundok ng Cordillera ilang dantaon na ang nakalipas, at ang pagtaguyod nila dito sa pamamagitan ng kanilang kaalaman ukol sa kanilang kapaligiran, at ng kanilang mga paniniwala.
Tuklasin kung paano umiikot ang buhay ng mga sinaunang Ifugao sa pagsasaka ng mga payo at kung paano ito binibigyang-buhay at nagbibigay-buhay sa kanilang mga paniniwala, alamat, tradisyon, alaala, at sining. Marami sa mga Ifugao ngayon ay makabago, ngunit may ilan sa kanilang hanggang ngayon ay namumuhay tulad ng kanilang mga ninuno– sa kanilang pangangalaga sa mga bai-baitang na payo, sa pagsasagawa ng mga ritwal at mga sining.
Pakinggan ang kuwento ng dalawa sa tatlong natitirang mumbaki sa Amganad at panoorin ang kababaihang umaawit ng hudhud habang nag-aani. Sina Lolo Pugung, Lolo Leglego, si Aling Rosa at ang mga babaeng walang pagod sa pangangalaga ng payo– sila ang ilan sa mga natitirang haligi ng kalinangan ng mga Ifugao na unti-unting binabago ng panahon.